Pangulong Naging Kongresista Hunyo 25, 2009
Posted by pruelpo in Blog.Tags: bulay-bulay, kultura, panitikan, politika, sanaysay
trackback
(Ito ay isang sanaysay na sinulat ni Ginoong Fermin Salvador na isang dalubhasa na manunulat at makata ng panitikan at kultura ng mga Pinoy. Ang lathalaing ito ay originally ay nagmula sa http://groups.yahoo.com/group/KAMAKATAHAN/message/9476. Magandang basahin ito hindi lamang para sa mga Pinoy sa Pinas kungdi para rin sa mga milyong OFWs sa iba’t-ibang panig ng mundo. Enjoy reading at tayo ay magbulay-bulay.)
Waring isang “feelers” na sistematikong ipinakakalat ng mga “spin doctors” ng palasyo ang binabalak na pagkandidato ni Madam Arroyo sa pagkakongreswoman ng isa sa mga distrito ng Pampanga. Maraming maiisip na dahilan upang gawin niya ito. Maaaring may kinalaman ito sa tinatangkang pagbago sa nilalaman ng
Konstitusyon. Kapag ang sistema ng pamahalaan ay naging parlamentari, maihahalal siya ng mga kapwa taga-mababang kapulungan na magiging mga kinatawan rin sa parlamento sa pagkapunong ministro at nang minsan pa ay mahahawakan niya ang pinakamakapangyarihan na posisyon sa Pilipinas. Sa madaling salita’y isang sabwatan upang maipagpatuloy ang patronage politics na mas kilala bilang isang mafia na siya ang nagsisilbing godmother. May nagsasabi naman na kailangan niya itong pang-self defense sapagkat kahit ang posisyon ng isang kongresista ay may sapat na kapangyarihan upang maprotektahan ang sarili laban sa mga posibleng pag-usig at pagtugis sa ilalim ng magiging bagong dispensasyon.
Ang umiiral na prinsipyo sa malaking mayorya ng mga mambabatas sa bansa ay sariling interes, ganansiya, at kapakinabangan muna bago ang ibang bagay. Hindi uso ang katapatan sa mga ipinahayag at sinumpaang lapian at plataporma. Kaya sinuman ang nakaupong pangulo ay makaaasang kaalyado niya ang mahigit sa
walumpung porsiyento ng mga mambabatas laluna ang mga nasa Kamara de Rep. Ganito ang sitwasyon sa ilalim ng KBL ni Marcos, LDP ni Aquino, Lakas-NUCD ni Ramos, PMP ni Estrada, at ngayo’y KAMPI ni Arroyo. Walang maliit na lapian at programa sa presidenteng kasalukuyang nakaupo. Kung ang mga pulitiko ay mistulang mga “lobo” – parang hinipang lobo (balloon) ang isang lapian, gaano man ito kaliit at ka-insignificant sa simula kung ang lider nito ang pangulo ng bansa. Mula sa tatlong miyembrong kongresista ang Lakas-NUCD ni Ramos, na natalo kay Mitra sa primaries ng LDP, ay lumobo sa 300 miyembro nang si FVR ang naideklarang pangulo ng bansa. Wala halos kakampi si Madam Arroyo sa KAMPI bago niya nasikwat ang
presidensiya, at pagkatapos nito’y dumami ang kanyang kampon sa hanay ng mga lobo. Tagalaba at mga lobo: magandang kumbinasyon.
Sabihin mang may orihinal silang pakana na gawing punong ministro si Madam Arroyo, kasaysayan ang nagpapatunay na ang mga canine sa Batasan ang tanging lahi ng aso sa mundo na may pinakamaikling katapatan sa amo. Sa sandaling umalis ng Malakanyang ang kanilang amo, wala pang isang linggo o bago sila pumili ng magiging ispiker ay nakapagpalit na rin sila ng panginoon. Mapanghahawakan kaya ni Madam Arroyo ang suporta ng mga kapanalig niya kung hindi na siya pangulo at sa katunayan ay kalebel na lamang ng mga ito? Siyempre pa, sa mga panahong ito ng pagbubukas ng susunod na Kongreso ay may nahalal nang bagong pangulo. Kaya halos ang lahat ng taga-KAMPI ay tiyak na nakiki-kampai na bilang mga bagong kasapi ng lapian ng bagong pangulo.
Kapag nahalal bilang kongreswoman, tataglayin ni Madam Arroyo ang mga pribilehiyong kaakibat ng puwestong ito. Hanggang doon lamang. Samantala, bilang isang dating presidente ay dala-dala niya ang lahat ng bagahe nang may sampung taon na pag-iral ng kanyang administrasyon sa bansa. Walang paksang
pagdedebatehan sa plor na hindi mauungkat ang kanyang mga naging polisiya at desisyon, mula sa pinakamaliit na pagkakamali hanggang sa pinakamalaking kapalpakan, noong siya pa ang punong ehekutibo ng bansa. Kasali siya sa mga diskusyon ngunit hindi na bilang isang diyos-diyosan na pinagtitimpian, may
napakaraming alipores, at laging may panghuling salita bagkus ay isang peer na papatulan nang mano-mano, “no hold’s barred” `ika nga, sa harap ng sambayanang Pilipino na tiyak na susubaybay sa kanyang perpormans bilang isang “kakaibang tanawin” sa Kongreso.
Ang mga nabanggit ang ilan sa masasaklap na reyalidad sa pamahalaan at pamumuno sa Pilipinas. Ang mga mambabatas ay walang taglay na mga prinsipyong nakataga sa bato na hindi maaaring masaklawan ng pagbabago-bago ng “suwerte” sa halalan. Ang mga nasa ehekutibo naman ay di nakukuntento sa takdang-taning ng kanilang panunungkulan at isa sa nagiging dahilan ng pagnanais na manatili sa puwesto ay
ang pangamba na paglaon ay posibleng usigin at tugisin dahil sa naging mga pang-aabuso habang nasa poder. Ang mga lehislador na walang prinsipyo ay sama-samang kumukunsinti sinuman ang kasalukuyang pangulo habang ang pangulo ay kumukunsinti sa mga mambabatas sa isang taktikal na alyansa upang maisagad hanggang sa dulo ang biyayang kapwa nila matatamo. Sa halip na checks and balances at magsilbing mutuwal na tagapagpaalala sa limitasyon ng tanggapan ng isa’t isa, sa taktikal na alyansa ng ehekutibo at ilang lehislador ay kapwa nadaragdagan ang kanilang kapangyarihan at kayamanan.



Mga Puna»
No comments yet — be the first.